Article by: Ma. Patricia Margaret C. Ramos at Aliyah Islam

Kompetisyon sa Paggawa ng Poster

Ang mga sumali sa kompetisyon ng paggawa ng poster ay nag rehistro sa pamamagitan ng Microsoft Forms na inihanda ng Filipino at Tali-Knows Club. Ang nasabing patimpalak ay nahati sa dalawang pamamaraan sa paggawa ng poster, ang digital at manwal na paggawa. Ang mga mag-aaral na sumali sa parehong pamamaraan na ito ay mula sa ika-walong baitang hanggang ika labing-isang baitang. Ang mga kalahok sa parehong pamamaraan sa paggawa ng poster ay ipinamalas ang kanilang kahanga-hangang talento na may kaugnayan sa tema ng pagdiriwang na ito. 

Ito man ay isinagawa sa online na paraan dahil sa kasalukuyang sitwasyon, hindi ito naging hadlang sa pagpapamalas ng magagandang sining mula sa mga mag-aaral. Tunay nga naman na ang mga Tamaraws ay mayroong bukod tanging galing at talino sa paggawa ng malikhaing poster.

Kompetisyon sa Pakikipag-debate

Sa pula, sa puti! Sino ang magwawagi?

Noong Oktubre 22 hanggang 29 ng taong 2021, ang Filipino at Tali-Knows Club ay nagsagawa ng isang aktibidad na kung saan ang mga estudyanteng may matatalas na utak at mahilig sa mainitang sagutan ay hinihikayat na makilahok para sa selebrasyon ng Filipino at Araling Panlipunan ngayong buwan. Ang Debate ay naging bukas para sa mga mag-aaral mula sa Junior High School hanggang Senior High School ng FEU Roosevelt Cainta, at siyam ang bilang ng mga sumali rito.

Ang mga opisyal ng dalawang club ay naglahad ng apat na katanungan para sa mga kalahok. Ang unang tanong ay “Ano nga ba ang mas mabisang gamitang wika sa paraan ng pagtuturo? Wikang Filipino o Wikang Ingles?”, na pinag-usapan nina Klea Dela Cruz at Patricia Garcia (Wikang Pilipino) laban kina Anna Francine Torres at Chanel Dagohoy (Wikang Ingles). Sa pangalawang tanong na “Sino ang mas karapat-dapat na maging National Hero natin? Si Bonifacio o si Rizal?”, ipinaglaban ni Chriselle Alovera si Bonifacio habang ang panig ni Rizal ay kay Chanel Dagohoy. Nasabi nina Chriselle Alovera at Lance Santos na sila ay pabor, habang si Christian Casumpang ay taliwas sa tanong na “Pabor ka ba sa Consumers Act of the Philippines Bilang 3453 na nagsasaad na murang bibilhin ang palay sa mga magsasaka?”. Ang panghuling tanong naman na “Pabor ka bang maipasa ang Divorce sa ating bansa?” ay pinangunahan nina Anna Francine Torres at Jahn Casumpang dahil sila ay sang-ayon, habang sina Chanel Dagohoy at Grant Ostol ay hindi sang-ayon.

Isang minuto at trenta segundo ang ibinigay na oras sa mga kalahok upang maipahayag ang kanilang mga kaalaman at saloobin sa talakayan. Pagkatapos ng limang palitan ng sagutan, tatlong minuto naman ang itinakda sa bawat isa para sa kanilang rebuttal. Bago sila nagsimula, ipinaalala ng mga opisyal ng Tali-Knows Club ang tatlong babala —bawal magmura, magsalita ng mga salitang patungkol sa Diyos, at maging personal ang sagutan—upang maging maayos ang kanilang pagdedebate. Kapag ginawa ng kalahok ang ilan sa mga babala ng tatlong beses, sila ay hindi na papayagang sumali sa diskurso.

Ang aktibidad ay matagumpay na isinagawa sa pamamagitan ng pagbuo ng mga miting sa Microsoft Teams. Ang mga kalahok ay disiplinado at hindi dinamdam ang naging sagutan kasama ang kabilang panig. Ayon kay Ms. Xailene Salinas, ang pangulo ng Tali-Knows Club, sila ay nasiyahan sa naging bunga nito sapagkat nakumpleto nila ang apat na Debate episodes at umaasang magkaroon pa sila ng pagkakataon na gawin ito sa susunod. May kahalagahan ang pagdedebate sa kasalukuyang henerasyon sapagkat napag-uusapan nito ang mga napapanahong isyu sa mundo at ang mga kaganapan sa kasaysayan na hindi dapat kalimutan ng mga Pilipino. May karapatang magsalita ang isang tao, kaya’t marapat gamitin ito sa paggunita ng kasaysayan sa modernong panahon.

Sa pagtatapos ng selebrasyon para sa buwan ng Filipino at Araling Panlipunan, ang mga opisyal ng Filipino Club at Tali-Knows Club ay nagsagawa ng programa sa araw ng Nobyembre 5, 2021. Ang nasabing programa ay may daloy ng kaganapan kung saan ito’y naging mas kawili-wili at nakaka enganyo sa mga manonood. 

Pinangunahan ni Xailene Francezca Salinas, ang presidente ng Tali-Knows Club ang programa. Nagpakita ang mga opisyal ng Filipino Club ng tableau na tumatalakay sa iba’t ibang panahon ng kasaysayan. Ang pambungad na pananalita ay ibinigay ng sekretarya ng Tali-Knows Club na si Yzabelle Alba. Pagkatapos ng pambungad na pananalita, sumunod ang isang pagtatanghal na mula sa Glee Club kung saan ilan sa mga kantang kanilang inawit ay Huling Sayaw, Torete, Pagsamo at marami pang iba. Ipinakita rin sa programa ang debate sa pagitan ng mga kalahok na sina Chanel Dagohoy at Chriselle Alovera, kung saan sila ay nagpakita ng matalinong pagpapalitan ng mga ideya at opinyon tungkol sa ibinigay na paksa. Kalakip nito ay kanilang natanggap ang sertipiko ng pagkilala. Naganap din ang isa pang kahanga-hangang pagsayaw mula sa Movers Club, kung saan ipinakita nila ang iba’t ibang genre ng mga sayaw na may kaugnayan sa tema. Pagkatapos ng lahat ng mga pagtatanghal, inihayag ang mga nanalo mula sa iba’t ibang mga kompetisyon. Nagwagi sa kompetisyon sa paggawa ng poster mula sa kategorya ng digital si Cloby Maio Dumdum ng 10-Einstein , habang si Denise Aranas naman ang nagwagi mula sa kategorya ng manwal. Para sa Modernong Anyo ng Kasuotang Pilipino, si Aliyah Islam ang itinanghal na nagwagi kung saan katangi-tangi at masining ang damit na kanyang dinesenyo. Ang mga kalahok sa paggawa ng maikling pelikula naman na sina Allyana Hernandez at Nathan Toma Cruzna parehas nagmula sa 12-HUMSS ay binigyan din ng sertipikasyon ng pagkilala para sa kanilang mga kahanga-hangang likha. 

Para sa pangwakas na pananalita, naglahad ng kanyang mensahe si Jewel Domingo, ang presidente ng Filipino Club. Sa kaganapang ito, naipakita ng mga Tamaraw ang kanilang iba’t ibang talento, at nakakuha ng mga bagong karanasan na maaaring para sa mga kalahok ay hindi malilimutan. Tunay na ang Filipino at Araling Panlipunan na kaganapang ito ay nakatulong sa mga mag-aaral na tuklasin pang lalo ang kanilang mga kakayahan at katalinuhan.